Martes, Setyembre 19, 2017

Pagsigaw, pagtakbo, at pagtitipon

Kakaiba itong "Facebook event na naging real life meet up" na nasasaksihan ko sa Facebook. Sa isang banda'y nakakatuwa't nakakatawa siya. Kung mas bata-bata ako, baka nakisali ako sa mga ganyan bilang fan ng Dragonball. Masyado na ata akong matanda para sa Naruto.

Sa kabilang banda, napapakamot ako ng ulo. Bakit ba nag-oorganisa ang mga tao ng ganito't sa itinakdang oras at lugar ay gagawin ang napagkasunduan? Ano ang mapapala sa pagtakbong parang si Naruto o pagsigaw na parang si Son Goku?

Maiuugat ang phenomena na ito sa Facebook event na "suntukan sa ACE Hardware" na nauso noong April 2016. Isang non-event ang Facebook event na ito. Wala naman talagang nagsuntukan sa ACE Hardware sa SM Lucena. Sa katunaya'y ginamit pa nga meme na ito upang maging oportunidad para sa ACE bilang advertizing. Naglagay pa sila ng boxing ring sa labas ng tindahan nila at isinabay pa sa mall-wide sale.

Nagsulputan din ang iba pang non-event na Facebook event na katulad ng "Suntukan sa ACE Hardware". Naging informal na groups page ang events na ito kung saan puwedeng mag-share ng mga post, kuwento, at iba pa ang mga tao. Hindi ito tunay na event, naging lugar ang mga events pages na ito upang pagsama-sama ang mga tao. Pero hindi naabot ng mga gaya-gaya na Facebook events ang rurok ng popularidad ng orihinal na Suntukan sa ACE Hardware.

Ngunit ngayo'y nauuso nga ang mga anime-inspired Facebook event na hinihikayat na mga taong pumunta sa isang lugar para sumigaw na parang si Son Goku o tumakbong parang si Naruto. Ngunit sa halip na lumipas ang araw at oras na walang nangyayari. Nauna ko itong napansin sa aking feed na ginagawa sa Amerika nitong Agosto. At ngayong nagiging tunay na pangyayari tulad ng nangyari sa kampus ng Ateneo de Manila.

Ulit, bakit nauso ang mga ganito? Bakit ito ginagawa? Maaaring tingnang bilang pagmamalabis ang mismong performance nito dahil taliwas ito sa inaasahan. Di tulad sa Suntukan, hindi pinalampas ang pagkakataon na gawin sa tunay na buhay ang isang bagay na dapat ay nasa virtual na mundo lamang. Ngunit tame pa rin naman ang event dahil ang kailangang gawin lang ay sumigaw o tumakbo. Walang suntukan talagang nangyari.

Bilang isang performance, maaaring tingnan ang mga events na ito bilang extention ng cosplay. May ilan sa mga dumadalo sa mga event na ito'y naka-costume pa talaga. Pero hindi lahat. At ang dating subculture na iilan lang talaga ang gumagawa'y maaari nang gawin ng higit na mas maraming tao, kahit na sa simpleng pagsigaw o pagtakbo. Sa ganito'y may nililikhang komunidad sa haraya ng mga taong nakikibahagi. Kahit panandalian lang, may espasyo't panahon silang itinabi para sa event na ito. At magkakasama silang ilang dosenang taong iyong pumunta't nanood sa event na iyon.

Maaaring mapuna ang kawalan ng politikal na mensahe nito. May naghambing na sa social media sa mga event na ito sa Oblation Run na ginagawa sa UP kung saan may higit na politikal na mensahe ang pagtakbo't pagsisigaw doon. Maaari rin itong ihambing sa mga tunay na pagtitipon na isinagawa sa Million People March noong rurok ng PDAF Scam scandal noong 2013 at sa pagpapalibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong 2016. Ngunit hindi ibig sabihin na pumupunta ka sa mga anime-inspired na mga event na ito'y hindi ka na pumupunta sa higit na politikal na pagtitipon. Nais ko itong tingnan sa isang mas positibong aspekto: na posible itong maging training tungo sa higit na politikal na pagtitipon. Childish naman talaga ang mga anime-inspired na events na ito. Sino ba naman sa batang 90's ang hindi ginaya sa loob ng kanilang kuwarto ang mga cartoons na napanood nila noong bata sila? Ngunit kung maglalakas loob na pumunta sa isang event na itinatanghal ang iyong childhood fantasies, bakit hindi ito puwedeng magtungo sa higit na mas malawak na aspirasyon tulad ng karapatan, katarungan, kalayaan, at iba pang kolektibong kilos?

Pero siyempre, ino-overthink ko lang ito. Ano nga bang alam ng mga batang ito, ano?