Huwebes, Nobyembre 30, 2017

Gaano karebolusyunaryo ang "revolutionary government" ni Pangulong Duterte?

(Galing ang imahen mula dito)

Ang daming kuda tungkol sa "revolutionary government". Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin nito? Paano ba ito naiiba sa mga naunang rebolusyunaryong pamahalaan?

Para sa Katipunan, malinaw ang tinatangka ng kanilang adhikain ng paghihimagsik--ang labanan ang pamahalaang kolonyal ng mga Espanyol at magdala ng kaginhawaan sa mga "anak ng Bayan". Kailangan lamang basahin ang mga naisulat nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto tulad ng "Ang dapat mabatid ng mga tagalog" at "Gising na, mga tagalog!" upang maunawaan ang katuwiran ng kanilang pagbubuo ng kilusan upang labanan ang kolonyalismo. Malinaw ang lohika ng mga Katipunero kung bakit kailangan ng himagsikan o rebolusyon: ang pananakop ng mga Espanyol ay nagdulot lamang ng paghihirap at sakit. At kung nais nating mabawi ang kaliwanagan at kaginhawaang tinatamasa bago dumating ang mga mananakop ay kailangang itaboy ang mga nanakop at itindig ang dangal ng bayan. Ani Bonifacio sa "Ang dapat mabatid ng mga tagalog":

Panahun na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon ng dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan.  Ngayon panahun ng dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahun na ngayong dapat makilala ng mga tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan.  Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.  
Kaya!  oh mga kababayan! ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag asa na mag tagumpay sa nilalayong kaguinhawahan ng bayang tinubuan.
Ito naman ang sinabi ni Jacinto sa "Gising na, mga tagalog!":

¿Ano ang inyong hinihintay?  ¿hinihintay baga ninyong sila’y siyang maawa inyo’t ibigay sa awang ito ang nauukul sa inyong mga matuid?  ¿hinihintay ninyong gawin nilang lahat ito, silang nabubuhay dahil sa kayo’y namamatay, silang nasa ginhawa dahil sa kayo’y nasa hirap, silang panginoon dahil sa kayo’y alipin?  ¿Hangang kailan pa mga tagalog kikilanlin ang tunay na pinagbubuhatan ng inyong mga kaamisan?  ¿Kailan ma’y huag antayin sa kanila ang ganitong awa: lalu’t higit pa nga; nang sila’y mamalagi sa sarap at ginhawa ng kanilang pamumuhay, walang salang iisipi’t gagamitin ang lahat ng paraan, kanilang sasandatahin ang lakas, ang daya, ang atin sariling mga kababayan at ang atin sariling mga kayamanang kanilang sinamsam; at sa ating kamangmangan at bulag na pagasa sa kanilang tapat na loob, tayo’y pipigain, tayo’y iinisin at saka lamang bibitiwan kung pati butu ng ating mga bangkay ay wala nang kapatak man ng taglay na katas. 
¡Hayo na mga tagalog kayo ay gumising at magkaisa sa gawa!  Ang bawa’t isa’y lumingap sa lahat at ang lahat ay lumingap sa bawat isa.  Kayong lahat ay tunay na magkakapatid; iisa ang dugung tumatagbu sa inyong mga ugat; iisa ang lupang inyong tinubuan, iisa ang araw na namulatan ng inyong mga mata’t nagbigay init sa inyong katawan at iisa ang inyong pighati’t pagkaayop; ¿bakit di pagisahin naman ang inyong mga kalooban at kaisipan, upang maging isa din ang lakas ninyong lahat at nang walang mangahas lumibak at yumurak ng inyong mga banal na matuid?
Maririnig ang hinanakit sa tinig nina Bonifacio at Jacinto. Hinuhugot (pun intended) nila ang daan-daan taong paghihirap ng mga Filipino sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol. At kung may yumaman at naging masagana man ay iilan lang, lalo na ang mga mananakop.

Ngunit ito ang limitasyon ng bisyon nina Bonifacio at Jacinto, hindi nila nabanaagan na hindi lahat ng mga Filipino'y hirap lamang ang dinanas sa ilalim ng mga Espanyol. Na may ilan ding nakinabang sa paghihirap ng kanilang kapwa. At ang mga ito'y kinuha ang pamumuno ng rebolusyon mula kay Bonifacio upang magtalaga ng sariling "pamahalaang rebolusyonaryo" sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo.

Ito ang malinaw na itinutulak na argumento sa librong Luzon at War ni Milagros C. Guererro. Na bagaman natanggal na ang pamumuno ng mga Espanyol at pinalitan ng isang rebolusyunaryong pamahalaan, sa pangkalahata'y ipinagpatuloy ng mga namumunong Filipino ang polisiya ng pamahalaang kolonyal--ang pagpapatloy ng sistemang cedula (na pinunit noong Sigaw pero, ay kailangan natin ng buwis), mga sapilitang pagbibigay ng serbisyo para sa lokal pamahalaan at militar (polo y servicios pero para sa Inang Bayan!), at pangangamkam ng lupa (hindi na ginagawa ng mga prayle kundi ng mga Filipino laban sa kapwa Filipino!). Naging malinaw din para kay Guerrero na naging mahirap pa rin para sa ordinaryong mamamayan ang buhay sa ilalim ng rebolusyunaryong pamahalaan, na kinailangang mamalakad sa isang Pilipinas na sinira ng digmaan at puno ng hidwaan sa pagitan ng malalakas na lokal na interes. Hindi pa nakatulong ang panghihimasok ng mga Amerikano.

Kaya't bago pa man napatunay ng rebolusyunaryong pamahalaan ni Aguinaldo ang kaya nitong gawin at bago pa man masolusyunan ang mga kontradiksiyon nito ay sumiklab na ang Digmaang Filipino-Amerikano. At madaling nag-oberdabakod ang mga Filipinong dati'y pinamunuan ang rebolusyon ngunit naging bagong kapanalig ng mga Amerikano upang mapanatili sa kapangyarihan. (Panoorin lamang ang pelikulang Heneral Luna para malaman ang ilan sa kanila.)

Malinaw ang tunguhin ng Himagsikan ng 1896: ang patalsikin ang mga Espanyol. Ngunit naging madali din para sa mayayaman at maylupang Filipino na kunin ang kapangyarihan upang protektahan ang kanilang sariling interes.

Gaano nga ba karebolusyunaryo ang "revolutionary government" ng pamahalaang Duterte? Ano ang pinagrerebolusyon nila? Rebolusyon nga ba talaga ito?

Una, malinaw na hindi ito rebolusyonaryo at hindi talaga "revolutionary goverment" ang itinutulak nila. Nasa poder na ng kapangyarihan ang pamahalaang Duterte. Ang Katipunan ay hindi. Kaya nagrebolusyon sina Bonifacio dahil wala sila sa kapangyrihan at para maitulak ang kaginhawaan para sa mga Filipino, kailangang kunin ang kapangyarihan mula sa mga Espanyol. Kung nasa pamahalaan ka na, di ba nasa iyo na ang kapangyarihan? Bakit ka magtatayo ng "revolutionary government" laban sa sarili mo? Maliban na lamang kung magtatayo sila ng diktadurya at kukunin mula sa taumbayan, kung saan naroon naman talaga ang kapangyarihan kaya nagkakaroon ng eleksiyon, ang kapangyarihan. Kaya't kailangan ang katarantaduhang rally na iyan kung saan "pinapayagan" ng "taumbayan" ang pamahalaang Duterte na magtayo ng rebolusyunaryong pamahalaan.

Pangalawa, hindi talaga ito rebolusyunaryo dahil malinaw naman talaga na hindi talaga interes ng taumbayan ang pinoprotektahan ng pamahalaang ito. Ang interes lamang ng mayayaman ang napoprotektahan. At hindi kailangan ng rebolusyunaryong pamahalaan para makita ito. Malinaw naman na ang mahihirap ang pangunahing traget ng drug war. Malinaw na ang mahihirap ang pangunahing magpapasan ng pagbabayad ng buwis kapag naipatupad ang tax reform agenda ng pamahalaan. Na bagaman bababa ang kakaltasin ang tax sa suweldo mo, tataas naman ang tax sa mga bilihin tulad ng matatamis na inumin at kotse. Mas marami ka ngang pera para bumili pero magmamahal naman ang mga bilihin sa kung ano-anong tax. Ang galing, di ba? Sa kabilang banda, balik na ulit sa pagmimina ang mga malalaking minahan. Isa-isa nang pinapalaya ang mga kurakot na politiko (GMA, Enrile, Jinggoy). At ang federalismo na iyan? Para protektahan ang interes ng mga kapanalig na political dynasty ng bawat rehiyon.

Hindi naman bago ang taktikang ito ng pamahalaang Duterte na gamitin ang hinanakit ng taumbayan upang magtalaga ng isang pasistang pamahalaan. Ginawa na ito ng mga Nazi sa Germany, ng mga Facista sa Italy, at ng militar ng Japan bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. At masasabing ito rin naman ang ginawa ni Ferdinand Marcos sa Pilipinas noong dekada 70. Pero malinaw kay Kojin Karatani sa kanyang History and Repetition na nakuha ng mga pasista ang taktikang ito sa mga ginawa ni Louis Bonaparte upang makuha ang pagiging emperador ng France noong rebolusyon ng 1848. Ani Karatani:
Bonaparte needed to represent all people. As seen in his nickname, “Saint-Simon on horseback,” he championed a kind of national socialism. Therefore, he needed to represent the working class, while also needing to represent the capitalist class beaten down by economic crisis. Furthermore, he needed to represent the peasants as well. Yet how is it possible to represent everyone? “Bonaparte would like to appear as the patriarchal benefactor of all classes. But he cannot give to one class without taking from another,” Marx writes (1963:133). He adds, “Driven by the contradictory demands of his situation and being at the same time, like a conjurer, under the necessity of keeping the public gaze fixed on himself, as Napoléon’s substitute, by springing constant surprises, that is to say, under the necessity of executing a coup d’état en miniature every day, Bonaparte throws the entire bourgeois economy into confusion, violates everything that seemed inviolable to the Revolution of 1848” (135). In effect, what was possible for him was to create the image of doing something rather than actually doing it. (Karatani 17)
Tulad ni Bonaparte at ng mga sumunod na pasistang diktador, kailangang lumikha ng ilusyon na kinakatawan ng diktador ang interes ng lahat. Na siya ang magbubura ng mga kontradiksiyon at hidwaan sa loob ng isang lipunan. Ito ang gustong gawin ni Pangulong Duterte. Nagkukunwari siyang pangulong para sa kapakanan ng lahat ng Filipino. Ngunit asta lamang ito dahil hindi naman talaga kinakatawan ng kaniyang polisiya ang kagustuhan ng lahat ng mga Filipino. Kaya nga napakasensitibo niya sa mga kritisismo dahil binabasag nito ang ilusyon ng malawakang consensus na mayroon siyang kapangyarihang gawin ang lahat ng gusto niya sa ngalan ng kapakanan ng sambayanang Filipino. Kaya kailangan ng mga katarantaduhang rally na sumusuporta sa rebolusyunaryong pamahalaa bilang basbas ng "taumbayan" kuno.

Para sa mag-aaral ng kasaysayan, hindi na bago ang ganitong mga taktika ng pasismo. Pero sa mga hindi, parang isang utopia ang ipinapangako ng pamahalaang Duterte. Ngunit huwag mabulag sa mga pangako. Tulad ng sinabi nina Bonifacio at Jacinto, nasa taumbayan ang kapangyarihan ng pagbabago sa lipunan at wala sa iilan o iisang tao lamang.

Talasanggunian:

Guerrero, Milagros Camayon. Luzon at War: Contradictions in Philippine Society, 1898-1902. Mandaluyong: Anvil Publishing, Inc., 2015.

Karatani, Kojin. History and Repetition. Inedit ni Seiji M. Lippit. New York: Columbia University Press, 2012.