(Galing ang imahen sa link na ito.)
Nawawala daw si Xander Ford. Pero bago noon ay nawala si Marlou. Alin sa dalawang ang mas nakakabahala? At, mas mahalaga, paano ka nga ba nawawala?
Tila isang napakalayong nakaraan ang panahon na walang social media. Nakaugat ang pag-iral sa realidad kung saan ang iyong pagiging "naririto" ay nakabatay sa pisikal na pag-iral. Na umiiral ka kasi nakikita ka ng iba, nakakasalamuha mo sila sa antas ng pisikal na mundo. Sa panahong wala pang selfon at social media, taranta ang mga magulang na hagilapin ang kani-kanilang mga anak. Pupuntang presinto para mag-file ng missing persons. Pupuntang istasyon ng radyo para manawagan na hanapin ang nawawalang anak. Ito pa rin naman ang ginagawa ngayon. Ngunit hindi na lamang ito ang natatanging paraan. Panaka-nakang lumilitaw sa newsfeed ko ang mga panawagang mahanap ang isang nawawalang tao na ginagawa ng mga malalapit sa kaniya. Sa ganitong paraan, nagagamit ang social media bilang medium kung saan mapapalaganap ang impormasyon tungkol sa nawawala. Nakasulat ang mga mahahalagang detalye: ang larawan ng nawawala, pangalan, edad, saan huling nakita, ano ang huling suot, address ng kaniyang bahay, sino ang puwedeng makontak sakaling may impormasyon, telepono o selfon ng kontak.
Sa panahon ng social media, nakakabahalang makabasa ng ganitong mga balita sa newsfeed. Dahil sa panahon ng social media, tila napakahirap mawala. Kung may selfon ka, 24/7 ay maaari kang matawagan o matext. Kung may data connection ang selfon mo, 24/7 kang konektado sa internet at social media at madali kang mahahagilap sa pamamagitan ng iba't ibang plataporma. Ito ang bentahe at nakakainis sa mga makabagong teknolohiya, wala nang konsepto ng pag-iisa at pribadong espasyo't panahon. Maaari ka nang tawagan ng iyong boss kahit alas-2 ng umaga para gawin ang isang proyekto. Maaari kang tawagan ng iyong nanay sa gitna ng isang momol session kasi lagpas alas-11 na ng gabi at nasaan ka na ba letseng bata ka. Kainis, di ba? Nagsisilbing panoptikon ang selfon at social media na, kung dati'y ipinapataw sa atin, ngayo'y tuwirang ginugusto nating maging bahagi. Hinahayaan nating pasukin ng iba ang ating buhay, mga aspekto ng buhay natin na dati'y nasa larangan ng pribado ay nakatiwangwang na ngayon.
At sa mundong lagi tayong minamasdan, dalawa ang maaaring maging reaksiyon. Una, kontrolin ang pakikibahagi dito. Maaaring tuwirang talikuran ang social media o limitahan ang pakikibahagi dito. O, pangalawa, maaaring yakapin ito at ilantad ang buong buhay dito. Ngunit nailalantad mo nga ba talaga ang lahat sa social media? Dito na pumapasok ang konsepto ng pagtatanghal sa social media. Dahil ang social media ay isang curated na medium. Ibig sabihin, pinipili ng gumagamit ang mga bagay na inilalantad niya. At malay ang mga tao sa pangangailangang ilantad ang mga bagay na makakakuha ng mga likes o mataas na engagement. Kapag nangyari ito, magiging viral o popular na sila.
Malinaw ang bentahe ng HashT5, mga "di-kagandahan" na mga binatang umaastang boyband o Kpop group sa kapogian kahit hindi naman talaga. May nakakatawang sense of irony ang buong performance nila sa social media. May awareness na hindi naman nga sila kapogian pero kebs, pogi kami, paki ninyo? Isa itong pagkutya sa pamantayan ng kapogian at pagkalalaki na laganap sa mainstream at social media. Isang malaking pakyu sa hegemonic masculinity na laganap sa lipunan. Kaya't nakakabahala at nakapagtataka ang transpormasyon ni Marlou Arizala patungong Xander Ford. Na, sa dulo ng lahat, mananaig pa rin talaga ang hegemonya ng mapaniil na lipunan at hahantong ang lahat sa tangina gusto kong maging pogi, paki ninyo? Ninais ni Xander na burahin ang kanyang sariling lumaganap sa social media bilang si Marlou. Si Marlou na imahen ng mga meme bilang rurok ng kapangitan at dulo ng mga pangit jokes. Nawalan na si Marlou ng kontrol sa kaniyang sarili dahil sa paglaganap ng memes at joke na ginagamit ang kaniyang mukha. Ginusto niyang patayin si Marlou at ang nakita lamang na paraan ni Xander ay baguhin ang kaniyang mukha upang maging si Xander Ford.
Ngunit namatay nga ba't nawala si Marlou kung hanggang ngayo'y patuloy na ginagamit ang kaniyang mukha sa mga memes at bilang "before" sa mga "before and after" segments kapag ipinakikila si Xander Ford? Malinaw na hindi talaga napapatay ni Xander Ford si Marlou dahil imortal na siya bilang walang kamatayang meme. O mamamatay ng kamatayan ng isang meme kapag nalaos na siya at dumating ang isang mas pangit na mukha na magiging mukha ng mga bagong meme tungkol sa kapangitan.
At paano ngayong nawawala si Xander Ford? Hindi naman daw siya nawala. Gusto lang naman daw niyang magpahinga. Pero natagpuan na ba niya talaga ang kaniyang sarili?