Martes, Oktubre 24, 2017

Si Whang Od at ang Eksotisasyon ng Kultura

Hindi mapigilang hindi magkomento sa sumabog na isyu tungkol kay Whang Od at kung paano "posibleng" ginamit siya ("exploited" ang ginagamit ng mga tao sa internet) ng mga nag-organisa ng Manila FAME. Napapaisip ako dahil sa kinuha kong kurso sa UP na "Media and Culture" kung saan isang buong semestre naming pinag-isipan at pinag-usapan kung paanong ginagamit ang iba't ibang media upang mapadaloy ang kultura. At isa nga sa napag-usapan namin ay kung paano inilalahad ang kulturang katutubo gamit ng makabagong media. Exploitative nga ba ito? O may kakayahan ba ang mga katutubong makisakay at gamitin ang iba't ibang media na nariyan upang ipagtanggol at matanghal ang kanilang kultura?

Maikling Kasaysayan ng mga Exposition (Madrid 1887 at St. Louis 1904)

Dalawang mananakop ang sumakop sa Pilipinas: ang Espanya at ang Estados Unidos. At bawat isa'y nagsagawa ng sari-sarili nilang eksposisyon upang itanghal ang kanilang kolonya: ang Pilipinas. Ang Philippine Exposition na ginawa sa Madrid noong 1887 (natinanghal din sa Pilipinas noong 1888 kung hindi ako nagkakamali) ay pinangunahang isagawa ng mga Filipino at Espanyol na nakabase sa Pilipinas upang ipakita ang produkto't ekonomiya ng Pilipinas at kung paano mapapatatag ang ugnayan ng Espanya sa kolonya nito. Itinanghal ang mga modernong produkto ng Pilipinas ngunit ang naging pinakakontrobersiyal ay ang eksibisyon ng sining na nilikha ng mga "katutubo" o mga indio ng Pilipinas. Mismong sina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, at ang iba pang Propagandistang nasa Espanya noong mga panahong ito ay nagreklamo. Una, hindi sila kasama. Pangalawa, ang "mababang kalidad" ng mga sining na itinanghal sa eksposisyon ay hindi tanda ng pagiging "barbaro" ng mga Filipino kundi resulta ng pagiging urong ng pamahalaang kolonyal.

Sa St. Loius Exposition naman noong 1904, kasamang itinanghal doon ang Pilipinas bilang bagong bahagi ng lumalawak na kapangyarihan ng Estados Unidos. Pakay ng eksibisyon na ipakilala ang Pilipinas sa ordinaryong mga Amerikano. At paano ipinakilala ang Pilipinas? Sa pagdadala ng mga Igorot mula Cordillera tungong St. Loius. At doon ay nagtanghal sa harap ng mga manonood na Amerikano ng kanilang mga ritwal. Kasama na ang pagkain ng aso.

Kung ano man, malinaw ang tunguhin ng mga eksposisyong ito sa pagtatanghal ng "katutubo" sa gitna ng sentro ng mga imperyo ito ay itanghal ang pagiging "progresibo" at "maunlad" ng mga Kanluraning bansa (Espanya at Estados Unidos) habang tingnan ang Pilipinas bilang "uro" at "barbaro" ("kumakain sila ng aso, que horror!"). Sa ganitong paraan ay malinaw na isang uri ng media (isang paraan ng pagpapadaloy) ang mga trade fair, eksibit, at exposition ng mga ideya (kolonyalismo at imperyalismo).

At hindi lamag naitatanghal ang kadakilaan ng mga dakilang imperyo kundi kadakilaan din ng kapitalismo upang magdulot ng pag-unlad. Kasabay ng eksibit ng mga Igorot sa St. Louis ay ang pagtatanghal ng mga bagong produktong Amerikano, kasama na ang hotdog. Itinatanghal sa mga exposition ang kagalingan ng industriya ng imperyo habang ipinakikita ang pagiging "urong" ng kabuhayan ng mga nasakop na katutubo tulad ng mga Igorot.

Manila FAME at ang Eksotisasyon ng Kultura

Ano ngayon ang ideyang nais ipahayag ng Manila FAME sa pagtatanghal kay Whang Od? Iba na ito kumpara sa mga naunang exposition at fair na nabanggit. Ang tunguhin ay "towards promoting the Philippines as a reliable sourcing destination for home, fashion, holiday, architectural, and interior pieces." Hindi nalalayo ang Manila FAME sa tunguhin ng mga naunang eksposisyon ng mga mananakop--ang itanghal ang industriya't kultura. Ngunit hindi na ito simpleng pagtatanghal ng "kaunlaran" kundi pagtatanghal ng "kultura" bilang isang bagay na maaaring bilhin at kasangkapan sa pagdidisenyo ng mga tahanan, gusali, at iba pa. Sa gayon, ang kultura'y isa na lamang produkto na katumbas na halaga.

Hindi naman ito kataka-taka dahil na rin sa pag-agos at pagpapatangay natin sa kapitalismo at globalisasyon. Sa pandaigdigang merkado, paano nga ba magiging iba ang produktong Filipino? Ang pagiging tatak Pinoy! At ano nga ba ang tatak Pinoy kundi ang katutubong kulturang matagal nang nasa laylayan.

Triumphant dapat ang pagdating ni Whang Od sa Maynila. Sa wakas, ang nasa laylaya'y makararating na sa sentro. Makikilala pa niya si Coco Martin! Ngunit sa proseso ng pagdadala kay Whang Od sa Maynila'y natransporma ang sandaling dapat magtatanghal at magtataguyod sa kaniya bilang pambansang alagad ng sining (national treasure) at sa halip ay natanghal ang kaniyang tunay na kalagayan--isa na lamang produkto na mabibili sa pandaigdigang merkado.

At tama rin naman ang puna na matagal nang ginawang komoditi ni Whang Od ang kaniyang sining. At tama rin naman na pinili ni Whang Od na pumunta sa Manila FAME. Ngunit kailangang tandaan na ang pagbabatok sa konteksto ng mga kultura ng Kordillera at maging sa sinaunang lipunan ng mga Tagalog, Bisaya, at iba pang grupong etniko bago sila naging Kristiyano ay isang uri ng initiation. Tanda ang batok ng kagitingan, para sa mga lalaki, at kagandahan, para sa mga babae. Para sa mga lalaki, ginagawaran ka lamang ng batok dahil napatunayan mo ang iyong kagitingan sa pakikipagdigma. Dahil nakapugot ka ng ulo ng kalaban. Isang ritwal ang pambabatok na nakaugat sa mga halagahan (values) ng isang lipunan. Sa pananakop ng mga Espanyol at Amerikano, nawala ang konteksto ng pambabatok dahil nawala ang pangangailangan ng pandirigma. Sa kaso ng Cordillera, aktibong pinigil ang digmaan sa pagitan ng mga etnikong grupo doon at ginawang iligal ang pamumugot ng ulo. Kaya't si Whang Od na ang huling mambabatok. Dahil nawala na ang kaligiran ng kaniyang sining. At ang mga susunod sa kaniya tulad ng kaniyang pamangkin na si Grace ay ipagpapatuloy na lamang ang anyo ng pambabatok ngunit hindi na ang ubod nito.

Kaya't masisisi ba natin si Whang Od sa "desisyon" niyang ibenta ang sarili at ang kaniyang sining kapalit ng pera? Desisyon nga ba talaga ito kung ang tanging paraan para mabuhay ay ibenta ang sarili at ang sining? Tandaan na ang pambabatok na ginawa sa Manila FAME ay malayo na sa konteksto ng pambabatok sa Cordillera at sa sinaunang Pilipinas. Kung bibilhin ko ang serbisyo ni Whang Od at ng kaniyang mga kasama para magpabatok, napatunayan ko ba ang aking kagitingan sa pandirigma? Nagiging isang simpelng estetikong bagay ang batok na gagawin niya. Maganda ang anyo ngunit walang kaluluwa.

Ngunit maaari din namang tanungin, paano nga ba maipre-preserve ang naglalahong kultura? Hindi kaya't ito ang paraan para mapanatili itong buhay? Ito naman ang magiging sagot ko: na-preserve mo nga ba talaga ang isang kultura kapang nilamon na ito ng kapitalismo? Isang linta ang kapitalismo. Hihigupin nito ang mga kulturang nasa laylayan upang mapanatiling mayaman ang nasa sentro at ang mga kapitalista.

Kaya't hindi na ito usapin kung pinili nga ba ni Whang Od ang pagpunta sa Manila FAME. Ang hindi makatarungang sistema't istruktura ng global na kapitalismong bumubura sa kaniyang kultura ang nagtulak sa kaniya para gawin ito. Wala naman talaga siyang choice. Sumakay sa anod ng kapitalismo (sakay ng helicopter) o malunod sa agos nito. At sa ganitong paraan ay naging tiwalag si Whang Od sa kaniyang sariling gawa't sining.

Lunes, Oktubre 16, 2017

Anonima

Sa naging isyu sa nakaraang Senate hearing tungkol sa fake news ang pagrereklamo ng mga pro-Duterte na blogger ng pagiging tago ng identidad ng mga katunggali nilang anti-Duterte bloggers. Partikular na dito ay ang blog na Pinoy Ako Blog o PAB. Noong una'y si Cocoy Dayao ang pinaratangang nasa likod ng naturang blog dahil siya ang sinasabing webmaster. Ngunit lumantad kamakailan na si Jover Laurio bilang tunay na awtor ng PAB.

Inaakusahan ng mga pro-Duterte bloggers na isang kaduwagan at di-patas na pakikipaglaban ng mga anti-Duterte blogger dahil nga ang iba'y tago ang identidad. Iba ito sa gawi nina Sass Sasot, RJ Nieto, at Mocha Uson na lantad na lantad ang mga identidad at sa ganitong paraan ay inaatake nang personalan.

Ngunit bakit nga ba pinipili ng mga blogger na itago ang kanilang identidad? Dahil malinaw sa tinitingnan sila bilang "kaaway" at bahagi ng isang "destabilization plot" sa isip ng mga pro-Duterte at maging ng mismong Pangulo.

Sa aking bayan, isang pharmacist na nagtatrabaho sa isang pribadong ospital ang nagpost sa kaniyang FB account ng isang "maanghang na puna" tungkol sa pagigng bastos ng pananalita ni Pangulong Duterte. Nalaman ito ng mga maka-Duterte sa aking bayan at sinugod ang pharmacist na iyon sa kaniyang trabaho. Napilit nilang magsulat ng isang apology post ang pharmacist. Hindi ko alam kung ano ang naging banta nila sa pharmacist. Ngunit nabraso nila ito.

Ito ang dahilan kung bakit pinagsabihan ako ng nanay ko na huwag nang magpost ng mga anti-Duterte post sa aking personal na FB account. Ayaw niyang mangyari sa akin ang nangyari sa pharmacist na iyon. Lalo na sa panahon ngayong napakadali nang kitilin ang buhay basta't mabansagan kang "kaaway".

Dalawa ang aking naging reaksiyon sa kuwentong ito ng nanay ko. Una, ang tanga-tanga ng ospital at hindi nila prinotektahan ang sarili nitong empleyado. Hindi dapat hinayaan ang ganoong uri ng intimidasyon sa konteksto ng isang pribadong institusyon. Ang banta sa isang empleyado ay banta din, dapat sana, sa kompanya. Ngunit, sa pagkakaalam ko, ay walang ginawa upang mamagitan sa magkaalitang grupo. Marahil tiningnan nila ito bilang isyu ng mga pribadong indibidwal. Sino nga ba ang dapat magtanggol sa karapatang magsalita ng isang tao?

Pangalawa'y ayaw kong manatiling tahimik. Nais ko pa ring magsalita. Ngunit sa kontekstong ito ng pagpapatahimik ng mga alternatibong boses ay nauunawaan ko ang pagsulpot ng mga anonimong blog at pages. Kaya't higit akong naging muling aktibo sa EvilADMUProf bagaman kung magiging maabilidad lang naman ang mga tao'y madali naman akong makikilala.

At kampante ako na, kung ano man ang limitasyon ng ADMU bilang institusyon, ay tatangkain pa rin nitong ipagtanggol ang malayang diskurso sa loob ng pamantasan.

Huwebes, Oktubre 5, 2017

I Hate Lies

Noong isang araw, naghihintay ako ng ejeep sa Leong Hall. May nakasabay naman akong dalawang estudyanteng naghihintay naman ng kanilang sundo. Iyong isa ang may driver habang makikisabay lang iyong isa pa. Ngunit sarado ang Leong Hall noon para sa mga pick-up para iwas trapik noong mga oras na iyon. Narinig ko na lamang na sabihin ng isang estduyante, "I'll pretend to be injured so that they will let your car pass." Siyempre, nagulantang si acoe. Kailangan ba talagang magsinungaling? Hindi na ako nagsalita. Mind your own bees wax, wika nga. Umaasa ako na gagawin nila ang tama. Alam naman nila kung bakit sara ang Leong Hall para sa mga sundo kasi sinabi ng isa na para nga hindi magtrapik. Alam din naman nila na may opsyon silang pumunta na lamang sa Xavier Hall para doon magpasundo. Alam nila. Pero pinili pa rin nilang magsinungaling. Nang malapit na ang kotseng susundo, lumapit ang may-ari at nagpaalam sa guard kung puwede bang papasukin ang susundong kotse. Tapos nang kunwaring pilay si kasabay na estudyante para may dahilan sila. Siyempre, naawa naman siguro si Kuya Guard at pinapasok ang kotse sa pick-up area ng Leong Hall. At nagmadaling pumasok ng kotse ang dalawang estudyante. Biglang nawala ang pilay ni estudyanteng best supporting actress.

Nangyari ito bago ang hearing sa Senado tungkol sa fake news. At hindi ko maiwasang ipaghambing nasaksihan ko sa nangyayaring paglaganap ng fake news. Una, dahil parehong silang kasinungalingan upang makalamang. Sa kaso ng mga estudyante, gusto nilang lamangan ang mga patakaran, lumikha ng sitwasyon upang payagan ang pagsundo sa kanila sa Leong Hall kahit malinaw kung bakit iyon ipinagbabawal. Sa kaso ng fake news, ipinalalaganap ito upang siraan at lamangan ang mga "kaaway". Parehong makasarili ang dalawang pagsisinungaling na ito, ang isa nga lamang ay nasa personal na antas lamang habang ang isa ay nasa larangan na ng politika at lipunan.

Pangalawa, nakaugat ang dalawang kaso sa kaligiran ng impunity. Dahil alam ng mga estudyante na makakatakas at makakalusot sila kaya ginawa nilang magsinungaling. Gayundin naman sa kaso ng mga blogger tulad nina Mocha Uson at RJ Nieto sa pagkakalat ng fake news. Wala namang magpaparusa sa kanila sa pagkakalat ng kasinungalingan. Sa katunayan, tila pinapayagan ang ganitong uri ng taktika upang siraan ang kanilang mga "kaaway". At kung itama man nila ang kanilang sarili, naikalat na ang kasinungalingan. The damage has been done, wika nga.

At pangatlo, dahil wala ngang magpaparusa sa kanila, lumilikha ang pagsisinungaling ng pakiramdam ng pagiging kampante at pagiging mayabang. Makikita ito sa kaso ng mga blogger na nasa hearing ng Senado tungkol sa fake news. Medyo mapagkumbaba pa si Mocha Uson kapag nahuhuli siyang nagsisinungaling o may unethical na isyung binabanggit ang mga senador. Pero si RJ Nieto ay ubod ng yabang. At kung may 700,000 followers ka at consultant ka sa pamahalaan, bakit hindi? Protektado siya ng pamahalaan. Kapanalig pa niya ang mismong pangulo. Pero inaakala ni G. Nieto na sapat na iyon para sabihin niya ang lahat ng gusto niya. Wala siyang sense of accountability dahil hindi naman siya accountable kahit kanino. Kahit nga sa mga boss niya sa DFA at BCDA ay hindi siya accountable.

Kung babalik ako sa sandaling iyon na marinig ko ang kanilang plano, sana nanghimasok ako. Dapat sana'y tinitigan ko silang dalawa, kinunot ang noo, at umiling-iling. O kung gusto kong mas dramatic baka nagsalita ako, "No. Not while I am here." Dahil baka sa akto na iyon ay matigilan sila at hindi na ginawa ang pagsisinungaling. Pero iyon nga, umaasa akong hindi nila gagawin iyon SA SARILI NILANG PASYA. Ayokong maging parang Big Brother na pagsasabihan sila kung ano ang tama o mali. Sa usapan nila'y alam naman nila kung ano ang tama o mali. Sana nanaig ang kanilang mabuting kalooban. Sana matanto nila na, bagaman maliit lang na kasinungalingan ang kanilang ginawa, simulain iyon ng mga mas malaking pagsisinungaling.