Martes, Oktubre 24, 2017

Si Whang Od at ang Eksotisasyon ng Kultura

Hindi mapigilang hindi magkomento sa sumabog na isyu tungkol kay Whang Od at kung paano "posibleng" ginamit siya ("exploited" ang ginagamit ng mga tao sa internet) ng mga nag-organisa ng Manila FAME. Napapaisip ako dahil sa kinuha kong kurso sa UP na "Media and Culture" kung saan isang buong semestre naming pinag-isipan at pinag-usapan kung paanong ginagamit ang iba't ibang media upang mapadaloy ang kultura. At isa nga sa napag-usapan namin ay kung paano inilalahad ang kulturang katutubo gamit ng makabagong media. Exploitative nga ba ito? O may kakayahan ba ang mga katutubong makisakay at gamitin ang iba't ibang media na nariyan upang ipagtanggol at matanghal ang kanilang kultura?

Maikling Kasaysayan ng mga Exposition (Madrid 1887 at St. Louis 1904)

Dalawang mananakop ang sumakop sa Pilipinas: ang Espanya at ang Estados Unidos. At bawat isa'y nagsagawa ng sari-sarili nilang eksposisyon upang itanghal ang kanilang kolonya: ang Pilipinas. Ang Philippine Exposition na ginawa sa Madrid noong 1887 (natinanghal din sa Pilipinas noong 1888 kung hindi ako nagkakamali) ay pinangunahang isagawa ng mga Filipino at Espanyol na nakabase sa Pilipinas upang ipakita ang produkto't ekonomiya ng Pilipinas at kung paano mapapatatag ang ugnayan ng Espanya sa kolonya nito. Itinanghal ang mga modernong produkto ng Pilipinas ngunit ang naging pinakakontrobersiyal ay ang eksibisyon ng sining na nilikha ng mga "katutubo" o mga indio ng Pilipinas. Mismong sina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, at ang iba pang Propagandistang nasa Espanya noong mga panahong ito ay nagreklamo. Una, hindi sila kasama. Pangalawa, ang "mababang kalidad" ng mga sining na itinanghal sa eksposisyon ay hindi tanda ng pagiging "barbaro" ng mga Filipino kundi resulta ng pagiging urong ng pamahalaang kolonyal.

Sa St. Loius Exposition naman noong 1904, kasamang itinanghal doon ang Pilipinas bilang bagong bahagi ng lumalawak na kapangyarihan ng Estados Unidos. Pakay ng eksibisyon na ipakilala ang Pilipinas sa ordinaryong mga Amerikano. At paano ipinakilala ang Pilipinas? Sa pagdadala ng mga Igorot mula Cordillera tungong St. Loius. At doon ay nagtanghal sa harap ng mga manonood na Amerikano ng kanilang mga ritwal. Kasama na ang pagkain ng aso.

Kung ano man, malinaw ang tunguhin ng mga eksposisyong ito sa pagtatanghal ng "katutubo" sa gitna ng sentro ng mga imperyo ito ay itanghal ang pagiging "progresibo" at "maunlad" ng mga Kanluraning bansa (Espanya at Estados Unidos) habang tingnan ang Pilipinas bilang "uro" at "barbaro" ("kumakain sila ng aso, que horror!"). Sa ganitong paraan ay malinaw na isang uri ng media (isang paraan ng pagpapadaloy) ang mga trade fair, eksibit, at exposition ng mga ideya (kolonyalismo at imperyalismo).

At hindi lamag naitatanghal ang kadakilaan ng mga dakilang imperyo kundi kadakilaan din ng kapitalismo upang magdulot ng pag-unlad. Kasabay ng eksibit ng mga Igorot sa St. Louis ay ang pagtatanghal ng mga bagong produktong Amerikano, kasama na ang hotdog. Itinatanghal sa mga exposition ang kagalingan ng industriya ng imperyo habang ipinakikita ang pagiging "urong" ng kabuhayan ng mga nasakop na katutubo tulad ng mga Igorot.

Manila FAME at ang Eksotisasyon ng Kultura

Ano ngayon ang ideyang nais ipahayag ng Manila FAME sa pagtatanghal kay Whang Od? Iba na ito kumpara sa mga naunang exposition at fair na nabanggit. Ang tunguhin ay "towards promoting the Philippines as a reliable sourcing destination for home, fashion, holiday, architectural, and interior pieces." Hindi nalalayo ang Manila FAME sa tunguhin ng mga naunang eksposisyon ng mga mananakop--ang itanghal ang industriya't kultura. Ngunit hindi na ito simpleng pagtatanghal ng "kaunlaran" kundi pagtatanghal ng "kultura" bilang isang bagay na maaaring bilhin at kasangkapan sa pagdidisenyo ng mga tahanan, gusali, at iba pa. Sa gayon, ang kultura'y isa na lamang produkto na katumbas na halaga.

Hindi naman ito kataka-taka dahil na rin sa pag-agos at pagpapatangay natin sa kapitalismo at globalisasyon. Sa pandaigdigang merkado, paano nga ba magiging iba ang produktong Filipino? Ang pagiging tatak Pinoy! At ano nga ba ang tatak Pinoy kundi ang katutubong kulturang matagal nang nasa laylayan.

Triumphant dapat ang pagdating ni Whang Od sa Maynila. Sa wakas, ang nasa laylaya'y makararating na sa sentro. Makikilala pa niya si Coco Martin! Ngunit sa proseso ng pagdadala kay Whang Od sa Maynila'y natransporma ang sandaling dapat magtatanghal at magtataguyod sa kaniya bilang pambansang alagad ng sining (national treasure) at sa halip ay natanghal ang kaniyang tunay na kalagayan--isa na lamang produkto na mabibili sa pandaigdigang merkado.

At tama rin naman ang puna na matagal nang ginawang komoditi ni Whang Od ang kaniyang sining. At tama rin naman na pinili ni Whang Od na pumunta sa Manila FAME. Ngunit kailangang tandaan na ang pagbabatok sa konteksto ng mga kultura ng Kordillera at maging sa sinaunang lipunan ng mga Tagalog, Bisaya, at iba pang grupong etniko bago sila naging Kristiyano ay isang uri ng initiation. Tanda ang batok ng kagitingan, para sa mga lalaki, at kagandahan, para sa mga babae. Para sa mga lalaki, ginagawaran ka lamang ng batok dahil napatunayan mo ang iyong kagitingan sa pakikipagdigma. Dahil nakapugot ka ng ulo ng kalaban. Isang ritwal ang pambabatok na nakaugat sa mga halagahan (values) ng isang lipunan. Sa pananakop ng mga Espanyol at Amerikano, nawala ang konteksto ng pambabatok dahil nawala ang pangangailangan ng pandirigma. Sa kaso ng Cordillera, aktibong pinigil ang digmaan sa pagitan ng mga etnikong grupo doon at ginawang iligal ang pamumugot ng ulo. Kaya't si Whang Od na ang huling mambabatok. Dahil nawala na ang kaligiran ng kaniyang sining. At ang mga susunod sa kaniya tulad ng kaniyang pamangkin na si Grace ay ipagpapatuloy na lamang ang anyo ng pambabatok ngunit hindi na ang ubod nito.

Kaya't masisisi ba natin si Whang Od sa "desisyon" niyang ibenta ang sarili at ang kaniyang sining kapalit ng pera? Desisyon nga ba talaga ito kung ang tanging paraan para mabuhay ay ibenta ang sarili at ang sining? Tandaan na ang pambabatok na ginawa sa Manila FAME ay malayo na sa konteksto ng pambabatok sa Cordillera at sa sinaunang Pilipinas. Kung bibilhin ko ang serbisyo ni Whang Od at ng kaniyang mga kasama para magpabatok, napatunayan ko ba ang aking kagitingan sa pandirigma? Nagiging isang simpelng estetikong bagay ang batok na gagawin niya. Maganda ang anyo ngunit walang kaluluwa.

Ngunit maaari din namang tanungin, paano nga ba maipre-preserve ang naglalahong kultura? Hindi kaya't ito ang paraan para mapanatili itong buhay? Ito naman ang magiging sagot ko: na-preserve mo nga ba talaga ang isang kultura kapang nilamon na ito ng kapitalismo? Isang linta ang kapitalismo. Hihigupin nito ang mga kulturang nasa laylayan upang mapanatiling mayaman ang nasa sentro at ang mga kapitalista.

Kaya't hindi na ito usapin kung pinili nga ba ni Whang Od ang pagpunta sa Manila FAME. Ang hindi makatarungang sistema't istruktura ng global na kapitalismong bumubura sa kaniyang kultura ang nagtulak sa kaniya para gawin ito. Wala naman talaga siyang choice. Sumakay sa anod ng kapitalismo (sakay ng helicopter) o malunod sa agos nito. At sa ganitong paraan ay naging tiwalag si Whang Od sa kaniyang sariling gawa't sining.