Sa naging isyu sa nakaraang Senate hearing tungkol sa fake news ang pagrereklamo ng mga pro-Duterte na blogger ng pagiging tago ng identidad ng mga katunggali nilang anti-Duterte bloggers. Partikular na dito ay ang blog na Pinoy Ako Blog o PAB. Noong una'y si Cocoy Dayao ang pinaratangang nasa likod ng naturang blog dahil siya ang sinasabing webmaster. Ngunit lumantad kamakailan na si Jover Laurio bilang tunay na awtor ng PAB.
Inaakusahan ng mga pro-Duterte bloggers na isang kaduwagan at di-patas na pakikipaglaban ng mga anti-Duterte blogger dahil nga ang iba'y tago ang identidad. Iba ito sa gawi nina Sass Sasot, RJ Nieto, at Mocha Uson na lantad na lantad ang mga identidad at sa ganitong paraan ay inaatake nang personalan.
Ngunit bakit nga ba pinipili ng mga blogger na itago ang kanilang identidad? Dahil malinaw sa tinitingnan sila bilang "kaaway" at bahagi ng isang "destabilization plot" sa isip ng mga pro-Duterte at maging ng mismong Pangulo.
Sa aking bayan, isang pharmacist na nagtatrabaho sa isang pribadong ospital ang nagpost sa kaniyang FB account ng isang "maanghang na puna" tungkol sa pagigng bastos ng pananalita ni Pangulong Duterte. Nalaman ito ng mga maka-Duterte sa aking bayan at sinugod ang pharmacist na iyon sa kaniyang trabaho. Napilit nilang magsulat ng isang apology post ang pharmacist. Hindi ko alam kung ano ang naging banta nila sa pharmacist. Ngunit nabraso nila ito.
Ito ang dahilan kung bakit pinagsabihan ako ng nanay ko na huwag nang magpost ng mga anti-Duterte post sa aking personal na FB account. Ayaw niyang mangyari sa akin ang nangyari sa pharmacist na iyon. Lalo na sa panahon ngayong napakadali nang kitilin ang buhay basta't mabansagan kang "kaaway".
Dalawa ang aking naging reaksiyon sa kuwentong ito ng nanay ko. Una, ang tanga-tanga ng ospital at hindi nila prinotektahan ang sarili nitong empleyado. Hindi dapat hinayaan ang ganoong uri ng intimidasyon sa konteksto ng isang pribadong institusyon. Ang banta sa isang empleyado ay banta din, dapat sana, sa kompanya. Ngunit, sa pagkakaalam ko, ay walang ginawa upang mamagitan sa magkaalitang grupo. Marahil tiningnan nila ito bilang isyu ng mga pribadong indibidwal. Sino nga ba ang dapat magtanggol sa karapatang magsalita ng isang tao?
Pangalawa'y ayaw kong manatiling tahimik. Nais ko pa ring magsalita. Ngunit sa kontekstong ito ng pagpapatahimik ng mga alternatibong boses ay nauunawaan ko ang pagsulpot ng mga anonimong blog at pages. Kaya't higit akong naging muling aktibo sa EvilADMUProf bagaman kung magiging maabilidad lang naman ang mga tao'y madali naman akong makikilala.
At kampante ako na, kung ano man ang limitasyon ng ADMU bilang institusyon, ay tatangkain pa rin nitong ipagtanggol ang malayang diskurso sa loob ng pamantasan.