Huwebes, Nobyembre 30, 2017

Gaano karebolusyunaryo ang "revolutionary government" ni Pangulong Duterte?

(Galing ang imahen mula dito)

Ang daming kuda tungkol sa "revolutionary government". Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin nito? Paano ba ito naiiba sa mga naunang rebolusyunaryong pamahalaan?

Para sa Katipunan, malinaw ang tinatangka ng kanilang adhikain ng paghihimagsik--ang labanan ang pamahalaang kolonyal ng mga Espanyol at magdala ng kaginhawaan sa mga "anak ng Bayan". Kailangan lamang basahin ang mga naisulat nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto tulad ng "Ang dapat mabatid ng mga tagalog" at "Gising na, mga tagalog!" upang maunawaan ang katuwiran ng kanilang pagbubuo ng kilusan upang labanan ang kolonyalismo. Malinaw ang lohika ng mga Katipunero kung bakit kailangan ng himagsikan o rebolusyon: ang pananakop ng mga Espanyol ay nagdulot lamang ng paghihirap at sakit. At kung nais nating mabawi ang kaliwanagan at kaginhawaang tinatamasa bago dumating ang mga mananakop ay kailangang itaboy ang mga nanakop at itindig ang dangal ng bayan. Ani Bonifacio sa "Ang dapat mabatid ng mga tagalog":

Panahun na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon ng dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan.  Ngayon panahun ng dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahun na ngayong dapat makilala ng mga tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan.  Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.  
Kaya!  oh mga kababayan! ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag asa na mag tagumpay sa nilalayong kaguinhawahan ng bayang tinubuan.
Ito naman ang sinabi ni Jacinto sa "Gising na, mga tagalog!":

¿Ano ang inyong hinihintay?  ¿hinihintay baga ninyong sila’y siyang maawa inyo’t ibigay sa awang ito ang nauukul sa inyong mga matuid?  ¿hinihintay ninyong gawin nilang lahat ito, silang nabubuhay dahil sa kayo’y namamatay, silang nasa ginhawa dahil sa kayo’y nasa hirap, silang panginoon dahil sa kayo’y alipin?  ¿Hangang kailan pa mga tagalog kikilanlin ang tunay na pinagbubuhatan ng inyong mga kaamisan?  ¿Kailan ma’y huag antayin sa kanila ang ganitong awa: lalu’t higit pa nga; nang sila’y mamalagi sa sarap at ginhawa ng kanilang pamumuhay, walang salang iisipi’t gagamitin ang lahat ng paraan, kanilang sasandatahin ang lakas, ang daya, ang atin sariling mga kababayan at ang atin sariling mga kayamanang kanilang sinamsam; at sa ating kamangmangan at bulag na pagasa sa kanilang tapat na loob, tayo’y pipigain, tayo’y iinisin at saka lamang bibitiwan kung pati butu ng ating mga bangkay ay wala nang kapatak man ng taglay na katas. 
¡Hayo na mga tagalog kayo ay gumising at magkaisa sa gawa!  Ang bawa’t isa’y lumingap sa lahat at ang lahat ay lumingap sa bawat isa.  Kayong lahat ay tunay na magkakapatid; iisa ang dugung tumatagbu sa inyong mga ugat; iisa ang lupang inyong tinubuan, iisa ang araw na namulatan ng inyong mga mata’t nagbigay init sa inyong katawan at iisa ang inyong pighati’t pagkaayop; ¿bakit di pagisahin naman ang inyong mga kalooban at kaisipan, upang maging isa din ang lakas ninyong lahat at nang walang mangahas lumibak at yumurak ng inyong mga banal na matuid?
Maririnig ang hinanakit sa tinig nina Bonifacio at Jacinto. Hinuhugot (pun intended) nila ang daan-daan taong paghihirap ng mga Filipino sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol. At kung may yumaman at naging masagana man ay iilan lang, lalo na ang mga mananakop.

Ngunit ito ang limitasyon ng bisyon nina Bonifacio at Jacinto, hindi nila nabanaagan na hindi lahat ng mga Filipino'y hirap lamang ang dinanas sa ilalim ng mga Espanyol. Na may ilan ding nakinabang sa paghihirap ng kanilang kapwa. At ang mga ito'y kinuha ang pamumuno ng rebolusyon mula kay Bonifacio upang magtalaga ng sariling "pamahalaang rebolusyonaryo" sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo.

Ito ang malinaw na itinutulak na argumento sa librong Luzon at War ni Milagros C. Guererro. Na bagaman natanggal na ang pamumuno ng mga Espanyol at pinalitan ng isang rebolusyunaryong pamahalaan, sa pangkalahata'y ipinagpatuloy ng mga namumunong Filipino ang polisiya ng pamahalaang kolonyal--ang pagpapatloy ng sistemang cedula (na pinunit noong Sigaw pero, ay kailangan natin ng buwis), mga sapilitang pagbibigay ng serbisyo para sa lokal pamahalaan at militar (polo y servicios pero para sa Inang Bayan!), at pangangamkam ng lupa (hindi na ginagawa ng mga prayle kundi ng mga Filipino laban sa kapwa Filipino!). Naging malinaw din para kay Guerrero na naging mahirap pa rin para sa ordinaryong mamamayan ang buhay sa ilalim ng rebolusyunaryong pamahalaan, na kinailangang mamalakad sa isang Pilipinas na sinira ng digmaan at puno ng hidwaan sa pagitan ng malalakas na lokal na interes. Hindi pa nakatulong ang panghihimasok ng mga Amerikano.

Kaya't bago pa man napatunay ng rebolusyunaryong pamahalaan ni Aguinaldo ang kaya nitong gawin at bago pa man masolusyunan ang mga kontradiksiyon nito ay sumiklab na ang Digmaang Filipino-Amerikano. At madaling nag-oberdabakod ang mga Filipinong dati'y pinamunuan ang rebolusyon ngunit naging bagong kapanalig ng mga Amerikano upang mapanatili sa kapangyarihan. (Panoorin lamang ang pelikulang Heneral Luna para malaman ang ilan sa kanila.)

Malinaw ang tunguhin ng Himagsikan ng 1896: ang patalsikin ang mga Espanyol. Ngunit naging madali din para sa mayayaman at maylupang Filipino na kunin ang kapangyarihan upang protektahan ang kanilang sariling interes.

Gaano nga ba karebolusyunaryo ang "revolutionary government" ng pamahalaang Duterte? Ano ang pinagrerebolusyon nila? Rebolusyon nga ba talaga ito?

Una, malinaw na hindi ito rebolusyonaryo at hindi talaga "revolutionary goverment" ang itinutulak nila. Nasa poder na ng kapangyarihan ang pamahalaang Duterte. Ang Katipunan ay hindi. Kaya nagrebolusyon sina Bonifacio dahil wala sila sa kapangyrihan at para maitulak ang kaginhawaan para sa mga Filipino, kailangang kunin ang kapangyarihan mula sa mga Espanyol. Kung nasa pamahalaan ka na, di ba nasa iyo na ang kapangyarihan? Bakit ka magtatayo ng "revolutionary government" laban sa sarili mo? Maliban na lamang kung magtatayo sila ng diktadurya at kukunin mula sa taumbayan, kung saan naroon naman talaga ang kapangyarihan kaya nagkakaroon ng eleksiyon, ang kapangyarihan. Kaya't kailangan ang katarantaduhang rally na iyan kung saan "pinapayagan" ng "taumbayan" ang pamahalaang Duterte na magtayo ng rebolusyunaryong pamahalaan.

Pangalawa, hindi talaga ito rebolusyunaryo dahil malinaw naman talaga na hindi talaga interes ng taumbayan ang pinoprotektahan ng pamahalaang ito. Ang interes lamang ng mayayaman ang napoprotektahan. At hindi kailangan ng rebolusyunaryong pamahalaan para makita ito. Malinaw naman na ang mahihirap ang pangunahing traget ng drug war. Malinaw na ang mahihirap ang pangunahing magpapasan ng pagbabayad ng buwis kapag naipatupad ang tax reform agenda ng pamahalaan. Na bagaman bababa ang kakaltasin ang tax sa suweldo mo, tataas naman ang tax sa mga bilihin tulad ng matatamis na inumin at kotse. Mas marami ka ngang pera para bumili pero magmamahal naman ang mga bilihin sa kung ano-anong tax. Ang galing, di ba? Sa kabilang banda, balik na ulit sa pagmimina ang mga malalaking minahan. Isa-isa nang pinapalaya ang mga kurakot na politiko (GMA, Enrile, Jinggoy). At ang federalismo na iyan? Para protektahan ang interes ng mga kapanalig na political dynasty ng bawat rehiyon.

Hindi naman bago ang taktikang ito ng pamahalaang Duterte na gamitin ang hinanakit ng taumbayan upang magtalaga ng isang pasistang pamahalaan. Ginawa na ito ng mga Nazi sa Germany, ng mga Facista sa Italy, at ng militar ng Japan bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. At masasabing ito rin naman ang ginawa ni Ferdinand Marcos sa Pilipinas noong dekada 70. Pero malinaw kay Kojin Karatani sa kanyang History and Repetition na nakuha ng mga pasista ang taktikang ito sa mga ginawa ni Louis Bonaparte upang makuha ang pagiging emperador ng France noong rebolusyon ng 1848. Ani Karatani:
Bonaparte needed to represent all people. As seen in his nickname, “Saint-Simon on horseback,” he championed a kind of national socialism. Therefore, he needed to represent the working class, while also needing to represent the capitalist class beaten down by economic crisis. Furthermore, he needed to represent the peasants as well. Yet how is it possible to represent everyone? “Bonaparte would like to appear as the patriarchal benefactor of all classes. But he cannot give to one class without taking from another,” Marx writes (1963:133). He adds, “Driven by the contradictory demands of his situation and being at the same time, like a conjurer, under the necessity of keeping the public gaze fixed on himself, as Napoléon’s substitute, by springing constant surprises, that is to say, under the necessity of executing a coup d’état en miniature every day, Bonaparte throws the entire bourgeois economy into confusion, violates everything that seemed inviolable to the Revolution of 1848” (135). In effect, what was possible for him was to create the image of doing something rather than actually doing it. (Karatani 17)
Tulad ni Bonaparte at ng mga sumunod na pasistang diktador, kailangang lumikha ng ilusyon na kinakatawan ng diktador ang interes ng lahat. Na siya ang magbubura ng mga kontradiksiyon at hidwaan sa loob ng isang lipunan. Ito ang gustong gawin ni Pangulong Duterte. Nagkukunwari siyang pangulong para sa kapakanan ng lahat ng Filipino. Ngunit asta lamang ito dahil hindi naman talaga kinakatawan ng kaniyang polisiya ang kagustuhan ng lahat ng mga Filipino. Kaya nga napakasensitibo niya sa mga kritisismo dahil binabasag nito ang ilusyon ng malawakang consensus na mayroon siyang kapangyarihang gawin ang lahat ng gusto niya sa ngalan ng kapakanan ng sambayanang Filipino. Kaya kailangan ng mga katarantaduhang rally na sumusuporta sa rebolusyunaryong pamahalaa bilang basbas ng "taumbayan" kuno.

Para sa mag-aaral ng kasaysayan, hindi na bago ang ganitong mga taktika ng pasismo. Pero sa mga hindi, parang isang utopia ang ipinapangako ng pamahalaang Duterte. Ngunit huwag mabulag sa mga pangako. Tulad ng sinabi nina Bonifacio at Jacinto, nasa taumbayan ang kapangyarihan ng pagbabago sa lipunan at wala sa iilan o iisang tao lamang.

Talasanggunian:

Guerrero, Milagros Camayon. Luzon at War: Contradictions in Philippine Society, 1898-1902. Mandaluyong: Anvil Publishing, Inc., 2015.

Karatani, Kojin. History and Repetition. Inedit ni Seiji M. Lippit. New York: Columbia University Press, 2012.

Biyernes, Nobyembre 24, 2017

Ang Pagkawala ni Marlou, Ang Pagkawala ni Xander Ford

(Galing ang imahen sa link na ito.)

Nawawala daw si Xander Ford. Pero bago noon ay nawala si Marlou. Alin sa dalawang ang mas nakakabahala? At, mas mahalaga, paano ka nga ba nawawala?

Tila isang napakalayong nakaraan ang panahon na walang social media. Nakaugat ang pag-iral sa realidad kung saan ang iyong pagiging "naririto" ay nakabatay sa pisikal na pag-iral. Na umiiral ka kasi nakikita ka ng iba, nakakasalamuha mo sila sa antas ng pisikal na mundo. Sa panahong wala pang selfon at social media, taranta ang mga magulang na hagilapin ang kani-kanilang mga anak. Pupuntang presinto para mag-file ng missing persons. Pupuntang istasyon ng radyo para manawagan na hanapin ang nawawalang anak. Ito pa rin naman ang ginagawa ngayon. Ngunit hindi na lamang ito ang natatanging paraan. Panaka-nakang lumilitaw sa newsfeed ko ang mga panawagang mahanap ang isang nawawalang tao na ginagawa ng mga malalapit sa kaniya. Sa ganitong paraan, nagagamit ang social media bilang medium kung saan mapapalaganap ang impormasyon tungkol sa nawawala. Nakasulat ang mga mahahalagang detalye: ang larawan ng nawawala, pangalan, edad, saan huling nakita, ano ang huling suot, address ng kaniyang bahay, sino ang puwedeng makontak sakaling may impormasyon, telepono o selfon ng kontak.

Sa panahon ng social media, nakakabahalang makabasa ng ganitong mga balita sa newsfeed. Dahil sa panahon ng social media, tila napakahirap mawala. Kung may selfon ka, 24/7 ay maaari kang matawagan o matext. Kung may data connection ang selfon mo, 24/7 kang konektado sa internet at social media at madali kang mahahagilap sa pamamagitan ng iba't ibang plataporma. Ito ang bentahe at nakakainis sa mga makabagong teknolohiya, wala nang konsepto ng pag-iisa at pribadong espasyo't panahon. Maaari ka nang tawagan ng iyong boss kahit alas-2 ng umaga para gawin ang isang proyekto. Maaari kang tawagan ng iyong nanay sa gitna ng isang momol session kasi lagpas alas-11 na ng gabi at nasaan ka na ba letseng bata ka. Kainis, di ba? Nagsisilbing panoptikon ang selfon at social media na, kung dati'y ipinapataw sa atin, ngayo'y tuwirang ginugusto nating maging bahagi. Hinahayaan nating pasukin ng iba ang ating buhay, mga aspekto ng buhay natin na dati'y nasa larangan ng pribado ay nakatiwangwang na ngayon.

At sa mundong lagi tayong minamasdan, dalawa ang maaaring maging reaksiyon. Una, kontrolin ang pakikibahagi dito. Maaaring tuwirang talikuran ang social media o limitahan ang pakikibahagi dito. O, pangalawa, maaaring yakapin ito at ilantad ang buong buhay dito. Ngunit nailalantad mo nga ba talaga ang lahat sa social media? Dito na pumapasok ang konsepto ng pagtatanghal sa social media. Dahil ang social media ay isang curated na medium. Ibig sabihin, pinipili ng gumagamit ang mga bagay na inilalantad niya. At malay ang mga tao sa pangangailangang ilantad ang mga bagay na makakakuha ng mga likes o mataas na engagement. Kapag nangyari ito, magiging viral o popular na sila.

Malinaw ang bentahe ng HashT5, mga "di-kagandahan" na mga binatang umaastang boyband o Kpop group sa kapogian kahit hindi naman talaga. May nakakatawang sense of irony ang buong performance nila sa social media. May awareness na hindi naman nga sila kapogian pero kebs, pogi kami, paki ninyo? Isa itong pagkutya sa pamantayan ng kapogian at pagkalalaki na laganap sa mainstream at social media. Isang malaking pakyu sa hegemonic masculinity na laganap sa lipunan. Kaya't nakakabahala at nakapagtataka ang transpormasyon ni Marlou Arizala patungong Xander Ford. Na, sa dulo ng lahat, mananaig pa rin talaga ang hegemonya ng mapaniil na lipunan at hahantong ang lahat sa tangina gusto kong maging pogi, paki ninyo? Ninais ni Xander na burahin ang kanyang sariling lumaganap sa social media bilang si Marlou. Si Marlou na imahen ng mga meme bilang rurok ng kapangitan at dulo ng mga pangit jokes. Nawalan na si Marlou ng kontrol sa kaniyang sarili dahil sa paglaganap ng memes at joke na ginagamit ang kaniyang mukha. Ginusto niyang patayin si Marlou at ang nakita lamang na paraan ni Xander ay baguhin ang kaniyang mukha upang maging si Xander Ford.

Ngunit namatay nga ba't nawala si Marlou kung hanggang ngayo'y patuloy na ginagamit ang kaniyang mukha sa mga memes at bilang "before" sa mga "before and after" segments kapag ipinakikila si Xander Ford? Malinaw na hindi talaga napapatay ni Xander Ford si Marlou dahil imortal na siya bilang walang kamatayang meme. O mamamatay ng kamatayan ng isang meme kapag nalaos na siya at dumating ang isang mas pangit na mukha na magiging mukha ng mga bagong meme tungkol sa kapangitan.

At paano ngayong nawawala si Xander Ford? Hindi naman daw siya nawala. Gusto lang naman daw niyang magpahinga. Pero natagpuan na ba niya talaga ang kaniyang sarili?

Martes, Oktubre 24, 2017

Si Whang Od at ang Eksotisasyon ng Kultura

Hindi mapigilang hindi magkomento sa sumabog na isyu tungkol kay Whang Od at kung paano "posibleng" ginamit siya ("exploited" ang ginagamit ng mga tao sa internet) ng mga nag-organisa ng Manila FAME. Napapaisip ako dahil sa kinuha kong kurso sa UP na "Media and Culture" kung saan isang buong semestre naming pinag-isipan at pinag-usapan kung paanong ginagamit ang iba't ibang media upang mapadaloy ang kultura. At isa nga sa napag-usapan namin ay kung paano inilalahad ang kulturang katutubo gamit ng makabagong media. Exploitative nga ba ito? O may kakayahan ba ang mga katutubong makisakay at gamitin ang iba't ibang media na nariyan upang ipagtanggol at matanghal ang kanilang kultura?

Maikling Kasaysayan ng mga Exposition (Madrid 1887 at St. Louis 1904)

Dalawang mananakop ang sumakop sa Pilipinas: ang Espanya at ang Estados Unidos. At bawat isa'y nagsagawa ng sari-sarili nilang eksposisyon upang itanghal ang kanilang kolonya: ang Pilipinas. Ang Philippine Exposition na ginawa sa Madrid noong 1887 (natinanghal din sa Pilipinas noong 1888 kung hindi ako nagkakamali) ay pinangunahang isagawa ng mga Filipino at Espanyol na nakabase sa Pilipinas upang ipakita ang produkto't ekonomiya ng Pilipinas at kung paano mapapatatag ang ugnayan ng Espanya sa kolonya nito. Itinanghal ang mga modernong produkto ng Pilipinas ngunit ang naging pinakakontrobersiyal ay ang eksibisyon ng sining na nilikha ng mga "katutubo" o mga indio ng Pilipinas. Mismong sina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, at ang iba pang Propagandistang nasa Espanya noong mga panahong ito ay nagreklamo. Una, hindi sila kasama. Pangalawa, ang "mababang kalidad" ng mga sining na itinanghal sa eksposisyon ay hindi tanda ng pagiging "barbaro" ng mga Filipino kundi resulta ng pagiging urong ng pamahalaang kolonyal.

Sa St. Loius Exposition naman noong 1904, kasamang itinanghal doon ang Pilipinas bilang bagong bahagi ng lumalawak na kapangyarihan ng Estados Unidos. Pakay ng eksibisyon na ipakilala ang Pilipinas sa ordinaryong mga Amerikano. At paano ipinakilala ang Pilipinas? Sa pagdadala ng mga Igorot mula Cordillera tungong St. Loius. At doon ay nagtanghal sa harap ng mga manonood na Amerikano ng kanilang mga ritwal. Kasama na ang pagkain ng aso.

Kung ano man, malinaw ang tunguhin ng mga eksposisyong ito sa pagtatanghal ng "katutubo" sa gitna ng sentro ng mga imperyo ito ay itanghal ang pagiging "progresibo" at "maunlad" ng mga Kanluraning bansa (Espanya at Estados Unidos) habang tingnan ang Pilipinas bilang "uro" at "barbaro" ("kumakain sila ng aso, que horror!"). Sa ganitong paraan ay malinaw na isang uri ng media (isang paraan ng pagpapadaloy) ang mga trade fair, eksibit, at exposition ng mga ideya (kolonyalismo at imperyalismo).

At hindi lamag naitatanghal ang kadakilaan ng mga dakilang imperyo kundi kadakilaan din ng kapitalismo upang magdulot ng pag-unlad. Kasabay ng eksibit ng mga Igorot sa St. Louis ay ang pagtatanghal ng mga bagong produktong Amerikano, kasama na ang hotdog. Itinatanghal sa mga exposition ang kagalingan ng industriya ng imperyo habang ipinakikita ang pagiging "urong" ng kabuhayan ng mga nasakop na katutubo tulad ng mga Igorot.

Manila FAME at ang Eksotisasyon ng Kultura

Ano ngayon ang ideyang nais ipahayag ng Manila FAME sa pagtatanghal kay Whang Od? Iba na ito kumpara sa mga naunang exposition at fair na nabanggit. Ang tunguhin ay "towards promoting the Philippines as a reliable sourcing destination for home, fashion, holiday, architectural, and interior pieces." Hindi nalalayo ang Manila FAME sa tunguhin ng mga naunang eksposisyon ng mga mananakop--ang itanghal ang industriya't kultura. Ngunit hindi na ito simpleng pagtatanghal ng "kaunlaran" kundi pagtatanghal ng "kultura" bilang isang bagay na maaaring bilhin at kasangkapan sa pagdidisenyo ng mga tahanan, gusali, at iba pa. Sa gayon, ang kultura'y isa na lamang produkto na katumbas na halaga.

Hindi naman ito kataka-taka dahil na rin sa pag-agos at pagpapatangay natin sa kapitalismo at globalisasyon. Sa pandaigdigang merkado, paano nga ba magiging iba ang produktong Filipino? Ang pagiging tatak Pinoy! At ano nga ba ang tatak Pinoy kundi ang katutubong kulturang matagal nang nasa laylayan.

Triumphant dapat ang pagdating ni Whang Od sa Maynila. Sa wakas, ang nasa laylaya'y makararating na sa sentro. Makikilala pa niya si Coco Martin! Ngunit sa proseso ng pagdadala kay Whang Od sa Maynila'y natransporma ang sandaling dapat magtatanghal at magtataguyod sa kaniya bilang pambansang alagad ng sining (national treasure) at sa halip ay natanghal ang kaniyang tunay na kalagayan--isa na lamang produkto na mabibili sa pandaigdigang merkado.

At tama rin naman ang puna na matagal nang ginawang komoditi ni Whang Od ang kaniyang sining. At tama rin naman na pinili ni Whang Od na pumunta sa Manila FAME. Ngunit kailangang tandaan na ang pagbabatok sa konteksto ng mga kultura ng Kordillera at maging sa sinaunang lipunan ng mga Tagalog, Bisaya, at iba pang grupong etniko bago sila naging Kristiyano ay isang uri ng initiation. Tanda ang batok ng kagitingan, para sa mga lalaki, at kagandahan, para sa mga babae. Para sa mga lalaki, ginagawaran ka lamang ng batok dahil napatunayan mo ang iyong kagitingan sa pakikipagdigma. Dahil nakapugot ka ng ulo ng kalaban. Isang ritwal ang pambabatok na nakaugat sa mga halagahan (values) ng isang lipunan. Sa pananakop ng mga Espanyol at Amerikano, nawala ang konteksto ng pambabatok dahil nawala ang pangangailangan ng pandirigma. Sa kaso ng Cordillera, aktibong pinigil ang digmaan sa pagitan ng mga etnikong grupo doon at ginawang iligal ang pamumugot ng ulo. Kaya't si Whang Od na ang huling mambabatok. Dahil nawala na ang kaligiran ng kaniyang sining. At ang mga susunod sa kaniya tulad ng kaniyang pamangkin na si Grace ay ipagpapatuloy na lamang ang anyo ng pambabatok ngunit hindi na ang ubod nito.

Kaya't masisisi ba natin si Whang Od sa "desisyon" niyang ibenta ang sarili at ang kaniyang sining kapalit ng pera? Desisyon nga ba talaga ito kung ang tanging paraan para mabuhay ay ibenta ang sarili at ang sining? Tandaan na ang pambabatok na ginawa sa Manila FAME ay malayo na sa konteksto ng pambabatok sa Cordillera at sa sinaunang Pilipinas. Kung bibilhin ko ang serbisyo ni Whang Od at ng kaniyang mga kasama para magpabatok, napatunayan ko ba ang aking kagitingan sa pandirigma? Nagiging isang simpelng estetikong bagay ang batok na gagawin niya. Maganda ang anyo ngunit walang kaluluwa.

Ngunit maaari din namang tanungin, paano nga ba maipre-preserve ang naglalahong kultura? Hindi kaya't ito ang paraan para mapanatili itong buhay? Ito naman ang magiging sagot ko: na-preserve mo nga ba talaga ang isang kultura kapang nilamon na ito ng kapitalismo? Isang linta ang kapitalismo. Hihigupin nito ang mga kulturang nasa laylayan upang mapanatiling mayaman ang nasa sentro at ang mga kapitalista.

Kaya't hindi na ito usapin kung pinili nga ba ni Whang Od ang pagpunta sa Manila FAME. Ang hindi makatarungang sistema't istruktura ng global na kapitalismong bumubura sa kaniyang kultura ang nagtulak sa kaniya para gawin ito. Wala naman talaga siyang choice. Sumakay sa anod ng kapitalismo (sakay ng helicopter) o malunod sa agos nito. At sa ganitong paraan ay naging tiwalag si Whang Od sa kaniyang sariling gawa't sining.

Lunes, Oktubre 16, 2017

Anonima

Sa naging isyu sa nakaraang Senate hearing tungkol sa fake news ang pagrereklamo ng mga pro-Duterte na blogger ng pagiging tago ng identidad ng mga katunggali nilang anti-Duterte bloggers. Partikular na dito ay ang blog na Pinoy Ako Blog o PAB. Noong una'y si Cocoy Dayao ang pinaratangang nasa likod ng naturang blog dahil siya ang sinasabing webmaster. Ngunit lumantad kamakailan na si Jover Laurio bilang tunay na awtor ng PAB.

Inaakusahan ng mga pro-Duterte bloggers na isang kaduwagan at di-patas na pakikipaglaban ng mga anti-Duterte blogger dahil nga ang iba'y tago ang identidad. Iba ito sa gawi nina Sass Sasot, RJ Nieto, at Mocha Uson na lantad na lantad ang mga identidad at sa ganitong paraan ay inaatake nang personalan.

Ngunit bakit nga ba pinipili ng mga blogger na itago ang kanilang identidad? Dahil malinaw sa tinitingnan sila bilang "kaaway" at bahagi ng isang "destabilization plot" sa isip ng mga pro-Duterte at maging ng mismong Pangulo.

Sa aking bayan, isang pharmacist na nagtatrabaho sa isang pribadong ospital ang nagpost sa kaniyang FB account ng isang "maanghang na puna" tungkol sa pagigng bastos ng pananalita ni Pangulong Duterte. Nalaman ito ng mga maka-Duterte sa aking bayan at sinugod ang pharmacist na iyon sa kaniyang trabaho. Napilit nilang magsulat ng isang apology post ang pharmacist. Hindi ko alam kung ano ang naging banta nila sa pharmacist. Ngunit nabraso nila ito.

Ito ang dahilan kung bakit pinagsabihan ako ng nanay ko na huwag nang magpost ng mga anti-Duterte post sa aking personal na FB account. Ayaw niyang mangyari sa akin ang nangyari sa pharmacist na iyon. Lalo na sa panahon ngayong napakadali nang kitilin ang buhay basta't mabansagan kang "kaaway".

Dalawa ang aking naging reaksiyon sa kuwentong ito ng nanay ko. Una, ang tanga-tanga ng ospital at hindi nila prinotektahan ang sarili nitong empleyado. Hindi dapat hinayaan ang ganoong uri ng intimidasyon sa konteksto ng isang pribadong institusyon. Ang banta sa isang empleyado ay banta din, dapat sana, sa kompanya. Ngunit, sa pagkakaalam ko, ay walang ginawa upang mamagitan sa magkaalitang grupo. Marahil tiningnan nila ito bilang isyu ng mga pribadong indibidwal. Sino nga ba ang dapat magtanggol sa karapatang magsalita ng isang tao?

Pangalawa'y ayaw kong manatiling tahimik. Nais ko pa ring magsalita. Ngunit sa kontekstong ito ng pagpapatahimik ng mga alternatibong boses ay nauunawaan ko ang pagsulpot ng mga anonimong blog at pages. Kaya't higit akong naging muling aktibo sa EvilADMUProf bagaman kung magiging maabilidad lang naman ang mga tao'y madali naman akong makikilala.

At kampante ako na, kung ano man ang limitasyon ng ADMU bilang institusyon, ay tatangkain pa rin nitong ipagtanggol ang malayang diskurso sa loob ng pamantasan.

Huwebes, Oktubre 5, 2017

I Hate Lies

Noong isang araw, naghihintay ako ng ejeep sa Leong Hall. May nakasabay naman akong dalawang estudyanteng naghihintay naman ng kanilang sundo. Iyong isa ang may driver habang makikisabay lang iyong isa pa. Ngunit sarado ang Leong Hall noon para sa mga pick-up para iwas trapik noong mga oras na iyon. Narinig ko na lamang na sabihin ng isang estduyante, "I'll pretend to be injured so that they will let your car pass." Siyempre, nagulantang si acoe. Kailangan ba talagang magsinungaling? Hindi na ako nagsalita. Mind your own bees wax, wika nga. Umaasa ako na gagawin nila ang tama. Alam naman nila kung bakit sara ang Leong Hall para sa mga sundo kasi sinabi ng isa na para nga hindi magtrapik. Alam din naman nila na may opsyon silang pumunta na lamang sa Xavier Hall para doon magpasundo. Alam nila. Pero pinili pa rin nilang magsinungaling. Nang malapit na ang kotseng susundo, lumapit ang may-ari at nagpaalam sa guard kung puwede bang papasukin ang susundong kotse. Tapos nang kunwaring pilay si kasabay na estudyante para may dahilan sila. Siyempre, naawa naman siguro si Kuya Guard at pinapasok ang kotse sa pick-up area ng Leong Hall. At nagmadaling pumasok ng kotse ang dalawang estudyante. Biglang nawala ang pilay ni estudyanteng best supporting actress.

Nangyari ito bago ang hearing sa Senado tungkol sa fake news. At hindi ko maiwasang ipaghambing nasaksihan ko sa nangyayaring paglaganap ng fake news. Una, dahil parehong silang kasinungalingan upang makalamang. Sa kaso ng mga estudyante, gusto nilang lamangan ang mga patakaran, lumikha ng sitwasyon upang payagan ang pagsundo sa kanila sa Leong Hall kahit malinaw kung bakit iyon ipinagbabawal. Sa kaso ng fake news, ipinalalaganap ito upang siraan at lamangan ang mga "kaaway". Parehong makasarili ang dalawang pagsisinungaling na ito, ang isa nga lamang ay nasa personal na antas lamang habang ang isa ay nasa larangan na ng politika at lipunan.

Pangalawa, nakaugat ang dalawang kaso sa kaligiran ng impunity. Dahil alam ng mga estudyante na makakatakas at makakalusot sila kaya ginawa nilang magsinungaling. Gayundin naman sa kaso ng mga blogger tulad nina Mocha Uson at RJ Nieto sa pagkakalat ng fake news. Wala namang magpaparusa sa kanila sa pagkakalat ng kasinungalingan. Sa katunayan, tila pinapayagan ang ganitong uri ng taktika upang siraan ang kanilang mga "kaaway". At kung itama man nila ang kanilang sarili, naikalat na ang kasinungalingan. The damage has been done, wika nga.

At pangatlo, dahil wala ngang magpaparusa sa kanila, lumilikha ang pagsisinungaling ng pakiramdam ng pagiging kampante at pagiging mayabang. Makikita ito sa kaso ng mga blogger na nasa hearing ng Senado tungkol sa fake news. Medyo mapagkumbaba pa si Mocha Uson kapag nahuhuli siyang nagsisinungaling o may unethical na isyung binabanggit ang mga senador. Pero si RJ Nieto ay ubod ng yabang. At kung may 700,000 followers ka at consultant ka sa pamahalaan, bakit hindi? Protektado siya ng pamahalaan. Kapanalig pa niya ang mismong pangulo. Pero inaakala ni G. Nieto na sapat na iyon para sabihin niya ang lahat ng gusto niya. Wala siyang sense of accountability dahil hindi naman siya accountable kahit kanino. Kahit nga sa mga boss niya sa DFA at BCDA ay hindi siya accountable.

Kung babalik ako sa sandaling iyon na marinig ko ang kanilang plano, sana nanghimasok ako. Dapat sana'y tinitigan ko silang dalawa, kinunot ang noo, at umiling-iling. O kung gusto kong mas dramatic baka nagsalita ako, "No. Not while I am here." Dahil baka sa akto na iyon ay matigilan sila at hindi na ginawa ang pagsisinungaling. Pero iyon nga, umaasa akong hindi nila gagawin iyon SA SARILI NILANG PASYA. Ayokong maging parang Big Brother na pagsasabihan sila kung ano ang tama o mali. Sa usapan nila'y alam naman nila kung ano ang tama o mali. Sana nanaig ang kanilang mabuting kalooban. Sana matanto nila na, bagaman maliit lang na kasinungalingan ang kanilang ginawa, simulain iyon ng mga mas malaking pagsisinungaling.

Martes, Setyembre 19, 2017

Pagsigaw, pagtakbo, at pagtitipon

Kakaiba itong "Facebook event na naging real life meet up" na nasasaksihan ko sa Facebook. Sa isang banda'y nakakatuwa't nakakatawa siya. Kung mas bata-bata ako, baka nakisali ako sa mga ganyan bilang fan ng Dragonball. Masyado na ata akong matanda para sa Naruto.

Sa kabilang banda, napapakamot ako ng ulo. Bakit ba nag-oorganisa ang mga tao ng ganito't sa itinakdang oras at lugar ay gagawin ang napagkasunduan? Ano ang mapapala sa pagtakbong parang si Naruto o pagsigaw na parang si Son Goku?

Maiuugat ang phenomena na ito sa Facebook event na "suntukan sa ACE Hardware" na nauso noong April 2016. Isang non-event ang Facebook event na ito. Wala naman talagang nagsuntukan sa ACE Hardware sa SM Lucena. Sa katunaya'y ginamit pa nga meme na ito upang maging oportunidad para sa ACE bilang advertizing. Naglagay pa sila ng boxing ring sa labas ng tindahan nila at isinabay pa sa mall-wide sale.

Nagsulputan din ang iba pang non-event na Facebook event na katulad ng "Suntukan sa ACE Hardware". Naging informal na groups page ang events na ito kung saan puwedeng mag-share ng mga post, kuwento, at iba pa ang mga tao. Hindi ito tunay na event, naging lugar ang mga events pages na ito upang pagsama-sama ang mga tao. Pero hindi naabot ng mga gaya-gaya na Facebook events ang rurok ng popularidad ng orihinal na Suntukan sa ACE Hardware.

Ngunit ngayo'y nauuso nga ang mga anime-inspired Facebook event na hinihikayat na mga taong pumunta sa isang lugar para sumigaw na parang si Son Goku o tumakbong parang si Naruto. Ngunit sa halip na lumipas ang araw at oras na walang nangyayari. Nauna ko itong napansin sa aking feed na ginagawa sa Amerika nitong Agosto. At ngayong nagiging tunay na pangyayari tulad ng nangyari sa kampus ng Ateneo de Manila.

Ulit, bakit nauso ang mga ganito? Bakit ito ginagawa? Maaaring tingnang bilang pagmamalabis ang mismong performance nito dahil taliwas ito sa inaasahan. Di tulad sa Suntukan, hindi pinalampas ang pagkakataon na gawin sa tunay na buhay ang isang bagay na dapat ay nasa virtual na mundo lamang. Ngunit tame pa rin naman ang event dahil ang kailangang gawin lang ay sumigaw o tumakbo. Walang suntukan talagang nangyari.

Bilang isang performance, maaaring tingnan ang mga events na ito bilang extention ng cosplay. May ilan sa mga dumadalo sa mga event na ito'y naka-costume pa talaga. Pero hindi lahat. At ang dating subculture na iilan lang talaga ang gumagawa'y maaari nang gawin ng higit na mas maraming tao, kahit na sa simpleng pagsigaw o pagtakbo. Sa ganito'y may nililikhang komunidad sa haraya ng mga taong nakikibahagi. Kahit panandalian lang, may espasyo't panahon silang itinabi para sa event na ito. At magkakasama silang ilang dosenang taong iyong pumunta't nanood sa event na iyon.

Maaaring mapuna ang kawalan ng politikal na mensahe nito. May naghambing na sa social media sa mga event na ito sa Oblation Run na ginagawa sa UP kung saan may higit na politikal na mensahe ang pagtakbo't pagsisigaw doon. Maaari rin itong ihambing sa mga tunay na pagtitipon na isinagawa sa Million People March noong rurok ng PDAF Scam scandal noong 2013 at sa pagpapalibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong 2016. Ngunit hindi ibig sabihin na pumupunta ka sa mga anime-inspired na mga event na ito'y hindi ka na pumupunta sa higit na politikal na pagtitipon. Nais ko itong tingnan sa isang mas positibong aspekto: na posible itong maging training tungo sa higit na politikal na pagtitipon. Childish naman talaga ang mga anime-inspired na events na ito. Sino ba naman sa batang 90's ang hindi ginaya sa loob ng kanilang kuwarto ang mga cartoons na napanood nila noong bata sila? Ngunit kung maglalakas loob na pumunta sa isang event na itinatanghal ang iyong childhood fantasies, bakit hindi ito puwedeng magtungo sa higit na mas malawak na aspirasyon tulad ng karapatan, katarungan, kalayaan, at iba pang kolektibong kilos?

Pero siyempre, ino-overthink ko lang ito. Ano nga bang alam ng mga batang ito, ano?